Wednesday, April 13, 2011

Stat points

Bukod sa mga kagamitan, nakatutulong din sa pagpapalakas ng iyong karakter ang tinatawag na stat points. Ang stat points ay mga puntos na iyong nakukuha sa tuwing tumataas ng lebel ang iyong karakter. Anim (6) na puntos ang binibigay kada lebel ng pagtaas.

Ngayon, para saan nga ba ang mga puntos na ito?
Makikita sa larawan sa itaas na mayroong 5 katangian o aspeto na maaaring pataasin gamit ang stat points. Una ang power upang pataasin ang iyong pisikal na atake. Pangalawa ang intelligence updang pataasin ang iyong mga mahika. Dexterity upang bumilis ang iyong mga atake. Health upang pataasin ang iyong buhay. Panghuli ang wisdom upang palakasin ang depensa sa mga mahika at pataasin ang mana para makagamit ng mga mahika at iba pang kakayahan.

Bukod pa rito, mahalaga rin ang stat points sa pagsusuot ng iba't ibang armas. Katulad ng larawan sa ilalim, ang bawat sandata ay nangangailangan ng sapat na dami ng stat points sa tamang katangian.
Sa halimbawang ito, ang isang double-handed na sandata sa lebel 30 ay nangangailangan ng 23 puntos sa dexterity at 21 puntos sa health. Laging tandaan ang iba't ibang pangangailangan ng mga armas upang mailapat ng wasto ang iyong mga stat points.

Panghuli, lumalaki ang dami ng stat points na kailangan sa pagpapataas ng mga katangian depende sa lebel nito. Halimbawa, kapag pinalalakas ang power mula 1-10, dalawang puntos ang nagagamit kada pagpapalakas. Kapag pinalakas ito mula 11-20, tatlong puntos na ang nagagamit kada pagpapalakas. Tandaan din ito upang hindi magkaproblema sa paglalagay ng iyong stat points.

Wednesday, April 6, 2011

Detalye ng mga Kaganapan sa CardMon Hero

Narito na ang kumpletong detalye ng mga mahahalagang kaganapan sa CardMon Hero ngayong Abril! Magsimula tayo sa "Last Merc Standing."

Kasunod naman ang "Heroes Moment."

Pagalingan ito ng inyong mga likhang sining para sa CardMon Hero. Mananalo ng magandang premyo ang makakakuha ng pinakamaraming "likes" sa Facebook.

Sunod naman ang "Bunny Hide and Seek" at "Pop Quiz."

Sa larong ito, mahalagang nakatutok kayo sa mga iaanunsyo ng mga GMs upang malaman kung nasaan ang nagtatagong kuneho o kaya naman ang tanong sa quiz. Maging alerto lagi upang manalo sa dalawang paligsahang ito.

Isa sa mga kapanapanabik na mangyayari sa CardMon Hero ay ang "Trial of Time."

Soloista ka man o may kasama, sumali na sa "Trial of Time" upang malaman kung mabilis mong magagapi ang iyong mga kalaban.

Panghuli sa listahan ng mga kaganapan ngayong Abril ay ang "Rise of Heroes."

Para itong isang engrandeng PVP o labanan ng mga manlalaro. Ipakita ang iyong galing sa labanan at patunayang ikaw ang pinakamahusay sa iyong dibisyon, mag-isa ka man o may kasama. Ang pinakamahusay ay siguradong magagantimpalaan.

Napakaraming mangyayari sa CardMon Hero ngayong Abril kaya naman huwag kalilimutang maglaro. Maghanda nang mabuti upang manalo ng maraming premyo. Ingat kayo sa inyong mga laban!

Tuesday, March 29, 2011

Masaya ang summer sa Cardmon Hero!

Ngayon buwan ng Abril madaming inihanda ang Cardmon Hero team na events para mag enjoy ng husto ang mga players. Gusto mo ba patunayan ang katibayan ng iyong karakter? Sumali na sa "The Time Trial of Time". Pag ikaw ay napili sumali. Mapupunta ka sa isang dungeon na puno ng monsters. Ang pinaka mabilis matapos sa pag patay ng mga kalaban ay ang siyang magiging panalo.

Kung gusto mo pang ipakita ang kalakasan ng iyong karakter, sumali sa "The Rise of Heroes" Tournament. Ihanda ang mga baraha sa magiging pagsubok at ipagdasal na kayo ang hiranging kampyon

Patunayan sa inyong sarili na hindi lang puro pisikal na lakas ang kagalingan niyo at sumali na sa "Pop Quiz" na ang mag tatanong ay walang iba kung hindi ang mga GMs. Upang malaman pa ang mga mekaniks ng mga events ay pumunta sa main site. Http://cardmon.t3fun.com.

Enjoy ang iyong summer at kita kita sa laro!

Friday, March 11, 2011

CardMon Hero sa Cosplay PH Convention

Taun-taon, ginaganap ang Cosplay PH Convention upang ipagsama-sama ang ating mga kaibigang mahilig magCosplay ng kanilang mga paboritong karakter. Nitong nakaraang Enero 5, ginanap ang ikaapat na cosplay convention sa Robinsons Ermita. Iba't ibang klase ng karakter ang makikita, karakter man sa isang laro o sa anime.

Pumunta ako sa convention at nakakabighani nga naman ang ilang mga taong ginaya talaga ang mga karakter na ito. MapaNaruto, Bleach, Final Fantasy o Grand Chase, makikita roon.

Sa aking paglibut-libot, nalaman kong naging sponsor ng Cosplay PH ang T3Fun, ang kumpanyang may hawak ng CardMon Hero. Namigay sila ng libreng cd installer at mga paskil o poster. Higit sa lahat, mayroon din silang sariling cosplayer. Si Yui at isang malaking Robot. Narito ang ilan sa mga larawan.






Maganda ang pagkakalikha sa malaking robot na iyon, at ang kyut din ng cosplayer na kinuha nila kay Yui. Bagay na bagay sa kanya. T3Fun, sana'y lumago pa kayo nang makita pa namin kayo nang mas maraming pang beses sa mga ganitong aktibidad.

Tuesday, March 1, 2011

Aika Global and CardMon Hero Press Launch

Congratulations T3Fun!

Hehe. Iniisip ninyo kung bakit? Isa kasi ako sa mga pinalad na pinili upang makapunta sa kanilang kauna-unahang press launch. Nakasama ko ang ilan pa sa mga bloggers at ilang mamamahayag sa telebisyon at radyo. Nakilala ko rin ang ilan sa mga masugid na manlalaro ng Aika Global (isa pang laro ng T3Fun) na sina Fire at Finch.



Nakilala ko rin ang apat sa mga nasa likod ng Aika at CardMon, na nagpaliwanag at nagpresenta ng laro sa aming lahat. Marami akong nakilalang iba pang tao sa kanilang Press Launch. Tunay ngang kaya nilang magsama-sama ng iba't ibang tao sa iisang aktibidad.

Tumatak din sa isip ko ang tatlong "T" ng T3Fun: Trust, Time and Thoughts. Good luck at congratulations T3Fun! Susubukan ko na rin sigurong laruin ang Aika Global. :)

Tuesday, February 22, 2011

Card Book

Hi! Kamusta ang pangongolekta niyo ng mga kard sa CardMon? Nakakarami na ba kayo?

Maaaring alam niyo na ito, pero mayroong tinatawag na Card Book sa CardMon Hero, kung saan maaaring ilagay ang ilan sa mga nakolekta niyong kards. Kapag pinindot ang letrang "k", lalabas ang card book.



May 100 klase ng halimaw ang maaaring ilagay sa card book. Makikita sa kanang ibabang bahagi ng libro ang iyong ranggo o antas. Sa halimbawang ito, ako ay nasa ika-189 base sa dami ng aking nalalagay na kard sa libro. Bukod dito, may makukuha kang puntos sa bawat kard na ilalagay sa libro. Ang mga puntos na ito ay maaaring gamitin upang bumili ng mga espesyal na kard o kagamitan sa card book shop na matatagpuan sa Supelta.



Dahil limitado ang puntos na nakukuha sa card book, piliin nang mabuti ang kukuning kard o gamit.

Bilang pangwakas, inaasahang dadami pa ang maaaring ilagay sa libro kapag nagkaroon na ng bagong updates o nilalaman ang CardMon Hero. Mas marami pang uri ng halimaw at mas marami pang uri ng ibang bagay ang maaaring ilagay. Isa na rito ang mga simbulo o symbol cards, na maaaring nakuha ng ilan sa inyo noon kayo ay nakagapi ng isang malakas na kalaban.

Thursday, February 17, 2011

Kahinaan at Kalakasan

Kamusta! Bihasa na ba kayo sa paglalaro ng CardMon Hero? Narito ang isa pang tulong o gabay upang maging mas mahusay na manlalaro sa CardMon.

Kung inyong mapapansin tuwing sinisimulan ang laro, mayroong tinatawag na "attribute table" na nagpapakita ng kalakasan o kahinaan ng isang uri ng halimaw.



Bago ko ito ipaliwanag, nais kong linawin na ang mga halimaw sa CardMon ay mauuri sa siyam na katangian: Tao, Makina, Sasakyan, Hayop, Insekto, Halaman, Anghel, Demonyo, at Elemento. Makikita ang uri ng halimaw kapag tiningnan ang libro ng mga baraha, o kaya ang disenyo sa kard katulad nang nakabilog sa larawang nasa ibaba.



Kung titingnan ang talahanayan, ang kahinaan ng isang halaman ay ang mga hayop, samantalang malakas naman ito laban sa mga insekto. Bukod pa rito, ang halaman ay nauuri sa Kalikasan. Kung gayun, mahina rin ito laban sa uri ng Tao (Tao, Makina, Sasakyan) ngunit malakas laban sa mga Espiritu (Anghel, Demonyo, Elemento).

Kaya naman kung lalaban sa isang partikular na uri ng halimaw, makatutulong na alamin kung ano ang kahinaan nito, at gamitin ang mga halimaw na malakas laban sa uri ng kalaban. Sa gayon, makakatulong din na magkaroon ng sapat na dami ng iba't ibang uri ng halimaw upang mayroong magagamit sa iba't ibang uri ng kalaban.

Monday, February 14, 2011

Player vs Player o PVP

Isa sa karaniwang isinasama sa mga MMORPG ay ang Player vs Player o PVP, na kung saan kalaban mo ang iba pang mga manlalaro. Mayroon ding ganito sa CardMon Hero, at maraming uri ng laban na maaaring piliin. Nagkakaroon ng anunsyo kapag bukas na ang isa sa apat na uri ng PVP na nasa ibaba.



Una ang snowball fight. Sa larong ito, maaari kang makakuha ng tatlong klase ng atake: malaking snowball (may malaking snowball na mahuhulog na magdudulot ng malakas na bawas), maliit na snowball (maliit na snowball na mahuhulog na magdudulot ng katamtamang bawas), at hagis-yelo (isang atakeng mahina lang ang bawas pero siguradong tatama). Ang unang kupunan na makatalo ng sampung tao ang mananalo. Pagalingan ito umiwas at umasinta ng kalaban.



Ang ikalawa ay ang survival o matira ang matibay. Dito, maglalaban ang dalawang pares ng manlalaro upang talunin ang isang malaking kalaban. May mapupulot na mga makina at robot na maaaring tawagin upang talunin ang mga kalaban. Ang unang pares na makagagapi sa kalaban ang magwawagi.

Ang ikatlo ay ang 8vs8 na labanan. Ito ang klase ng labanan na kung saan magtatagisan ang dalawang kupunan na may tig-walong miyembro ng galing sa paggamit ng kani-kanilang mga kakayahan at halimaw na kakampi. Ito ang PVP na direktang maglalabanan ang mga manlalaro upang manalo.



Ang huli ay ang cow room. Sa mapang ito ay may mga kalabaw na nagkalat. Ang kailangan lamang gawin ay talunin ang mga kalabaw at kunin ang mahuhulog na gatas. Ang kupunan na maunang makakuha ng 200 gatas ang magwawagi.




Tunay na nakatutuwa ang pagsali sa mga PVP dahil bukod sa iba-iba, nasusubukan din ang iyong galing sa paglalaro kasama at kalaban ang iba pang mga manlalaro. Nagbibigay rin ng magagandang gantimpala, manalo man o hindi, katulad ng medalya at iba't ibang kards.

Sa pagkakaalam ko, may iba pang uri ng PVP na maaaring malaro kapag naglabas ng bagong update ang CardMon Hero. Hintayin na lamang natin ito. Pero sa ngayon, magpakasaya muna at maging bihasa sa PVP ng CardMon!

Monday, February 7, 2011

Recipe Cards

Kamusta ang paglalaro ng CardMon? Malalakas na ba ang mga nakukuha niyong kakampi? Hayaan niyong ipaliwanag ko ang paraan upang makagawa ng malalakas na kakampi sa pamamagitan ng isang recipe.

Bukod sa paggamit ng mga karaniwang kard na napupulot sa mga nagagaping halimaw, mayroon ding tinatawag na recipe cards na maaaring makatawag ng malalakas na kakampi kapag nabuo.

Saan ba makukuha ang recipe? Maraming pwedeng pagkunan ng recipe. Unang una na riyan ang paggapi sa iba't ibang mga kalabang lider. Ang ilan ay malalabanan sa isang partikular na lugar, samantalang ang iba naman ay kailangang kalabanin sa loob ng isang billboard o paskilan. Maaari ring makuha ang ibang recipe sa mga binubuksang treasure chest na iyong pinipili kapag natapos na ang misyon sa paskilan. Panghuli, maaari ring bilhin ang recipe sa ibang manlalaro na nagbebenta nito.

Paano ba ginagamit ang recipe?


Kapag tiningnan ang recipe na iyong nakuha, kakailanganin mo ring kumpletuhin ang mga sangkap para buuin ito. Ang ilan sa mga karaniwang sangkap ay mabibili sa isang "Card Material NPC" na makikita sa ibabang bahagi ng Supelta. Ang ilan sa mga sangkap ay makukuha sa pamamagitan ng paggapi sa nasabing halimaw. Maaaring isang kard na kauri ng halimaw na gustong likhain, o iba pang mga sangkap na karaniwang binebenta lamang sa NPC upang magkapera. Kapag nakumpleto na ang mga kailangan, pumunta sa "Card Upgrades NPC" na makikita sa ilang mga bayan katulad ng Supelta at Metadiforce. Makikita sa taas ang isang halimbawa ng recipe at ang mga kailangang sangkap upang buuin ito.

Tuesday, February 1, 2011

Joker

Kamusta! Mataas na ba ang lebel ng inyong mga karakter? Narito muli ako para maghatid ng isang artikulo, ukol naman sa Joker.

Kung mapapansin sa kaliwang bahagi ng inyong screen, may makikita kayong bar na napupuno, at tatlong bilog na pindutan.


Ito ang tinatawag na Joker. Nadadagdagan ng isang punto (hanggang 200) sa tuwing makagagapi ka ng kalaban. Ngunit tandaan na hindi ito madadagdagan kung ang halimaw na nagapi ay higit na mahina kaysa iyo.

Kung mapapansin din, may tatlong bilog sa itaas ng bar. Ito ang antas ng joker na maaari mong tawagin. Maaaring pindutin ang unang bilog kapag naka 60 puntos na. Habang ang pangatlong bilog ay maaaring pindutin kapag naka 200 puntos na. Mas malakas na uri ng Joker ang iyong matatawag kapag mas maraming puntos ang iyong naipon.

Ito ang isang halimbawa ng joker.


Bagaman napipili mo ang antas ng joker base sa dami ng puntos na iyong inipon, ang aktwal na joker na lalabas ay hindi mo mapipili. Bukod sa halimbawang nasa itaas, maaari kang makatawag ng isang malaking oso, malaking sundalo, malaking street fighter (kamukha ni Ryu), malaking kalabaw, at iba pa.

Dahil mahirap itong ipunin, gamitin lamang ang joker kung kinakailangan. Kapag nahaharap sa isang malakas na kalaban, gamitin ang joker upang tulungan ka. Maaari ring pindutin ang letrang "J" kung nais tawagin ang joker, kung abalang abala sa labanan.

Thursday, January 27, 2011

Upgrade o pagpapalakas ng mga gamit

Kamusta! Naglalaro na ba kayo ng CardMon Hero? Ngayong OBT na o bukas na ang laro sa lahat ng tao, magsisimula na rin akong sumulat ng iba't ibang artikulo tungkol sa CardMon Hero. Maaaring isang gabay sa paglalaro, kwento ng paglalaro ko ng CardMon, o kaya naman ay mga balita o anunsyo tungkol sa laro.

Bilang panimula, narito ang isang artikulo o gabay ukol sa pagpapalakas ng iyong mga kagamitan.



Sa CardMon Hero, may mga nakukuhang bato na iba't iba ang kulay. Kung hindi ninyo napansin, ang dilaw na bato ay ginagamit kapag kayo ay tatawag ng kakampi. Pero bukod dito, may iba pang silbi ang mga batong ito.

Kung balak niyong palakasin ang inyong armas, halimbawa, maghanda ng kulay asul na bato at ibigay ang armas sa "Equipment Upgrade" NPC na matatagpuan sa mga bayan. Kapag kasuotan o baluti ang nais palakasin, maghanda ng kulay berde o luntian na bato. Kapag mga palamuti at abubot katulad ng hikaw at pulseras, maghanda ng dilaw na bato.

Alalahanin na maaaring pumalpak ang pagpapalakas. Kapag nangyari ito, mawawala ang mga batong ginamit at maaari ring bumaba ng lebel ang kagamitan. Sa mga ganitong kaso, maaaring gumamit ng "enzyme" upang pataasin ang posibilidad na maging maayos at matiwasay ang pagpapalakas ng gamit.


Mahalaga ang pagpapalakas ng gamit kalaunan dahil mapapalakas nito ang opensa at depensa ng iyong karakter. Maganda rin ang itsura ng armas kapag napaabot ng +5 o higit pa katulad nito.

Wednesday, January 19, 2011

CardMon Hero OBT

Magandang balita!

Inanunsyo na ng T3Fun na ang OBT o Open Beta Testing ng CardMon Hero ay ngayong Enero 20, 2011! Lahat ng tao ay maaari nang maglaro ng CardMon kapag nagbukas ito bukas.

Pumunta lang sa link na ito para idownload ang laro sa inyong computer. Kung wala pa kayong account, maaari rin kayong dito na magsign-up para gumawa ng account.


http://cardmon.t3fun.com/Home/Intro.aspx


Ano pang hinihintay niyo? Gumawa na ng account at kunin na ang laro para diretsong laro na tayo bukas! Kitakits!

Wednesday, January 12, 2011

CardMon Hero sa SM Cyberzone

Meron akong magandang balita!

Ngayon ko lamang narinig na nagpapafree-play pala ang Redbana Philippines ng CardMon Hero sa iba't ibang SM Cyberzone. Sa mga hindi nakakaalam, ang free-play ay isa sa mga ginagawa ng mga kumpanya ng online games upang ipakilala ang kanilang mga laro.

Nabalitaan kong nagfree-play ng CardMon nitong nakaraang Disyembre sa SM Calamba Cyberzone at nitong nakaraang linggo lamang sa SM SouthMall (Las Pinas). Narinig kong magtutungo naman sila sa SM Marikina ngayong Enero.



Siguradong pupunta ako dun dahil malapit lang ako (Yup. Taga-Marikina ako.) :)
Kaya sa iba pang malapit lang at nais muling makapaglaro ng CardMon Hero, punta na sa SM Marikina.

Wednesday, January 5, 2011

Pangalawang CBT ng CardMon Hero ngayong Enero 6

Kamusta! Tapos na ang ating paghihintay. Maaari na nating malaro ang CardMon Hero bukas dahil CBT o Closed Beta Testing na ng laro. Sa mga hindi pa nakakaalam, ang closed beta testing o CBT, ay isang bahagi kung saan mga piling tao pa lamang ang maaaring makapaglaro. Sa kasong ito, may mga kasama ang CardMon sa pamamahagi ng keys o CBT keys upang magkaroon ng pahintulot ang mga taong gustong masubukan ang laro.

Kaya ano pa bang hinihintay ninyo? Kuha na ng mga CBT keys at idownload na rin ang CardMon Hero sa kanilang website. Humanda na ang lahat sapagkat magsisimula nang muli ang isang umaatikabong labanan ng mga halimaw!