Tuesday, February 22, 2011

Card Book

Hi! Kamusta ang pangongolekta niyo ng mga kard sa CardMon? Nakakarami na ba kayo?

Maaaring alam niyo na ito, pero mayroong tinatawag na Card Book sa CardMon Hero, kung saan maaaring ilagay ang ilan sa mga nakolekta niyong kards. Kapag pinindot ang letrang "k", lalabas ang card book.



May 100 klase ng halimaw ang maaaring ilagay sa card book. Makikita sa kanang ibabang bahagi ng libro ang iyong ranggo o antas. Sa halimbawang ito, ako ay nasa ika-189 base sa dami ng aking nalalagay na kard sa libro. Bukod dito, may makukuha kang puntos sa bawat kard na ilalagay sa libro. Ang mga puntos na ito ay maaaring gamitin upang bumili ng mga espesyal na kard o kagamitan sa card book shop na matatagpuan sa Supelta.



Dahil limitado ang puntos na nakukuha sa card book, piliin nang mabuti ang kukuning kard o gamit.

Bilang pangwakas, inaasahang dadami pa ang maaaring ilagay sa libro kapag nagkaroon na ng bagong updates o nilalaman ang CardMon Hero. Mas marami pang uri ng halimaw at mas marami pang uri ng ibang bagay ang maaaring ilagay. Isa na rito ang mga simbulo o symbol cards, na maaaring nakuha ng ilan sa inyo noon kayo ay nakagapi ng isang malakas na kalaban.

Thursday, February 17, 2011

Kahinaan at Kalakasan

Kamusta! Bihasa na ba kayo sa paglalaro ng CardMon Hero? Narito ang isa pang tulong o gabay upang maging mas mahusay na manlalaro sa CardMon.

Kung inyong mapapansin tuwing sinisimulan ang laro, mayroong tinatawag na "attribute table" na nagpapakita ng kalakasan o kahinaan ng isang uri ng halimaw.



Bago ko ito ipaliwanag, nais kong linawin na ang mga halimaw sa CardMon ay mauuri sa siyam na katangian: Tao, Makina, Sasakyan, Hayop, Insekto, Halaman, Anghel, Demonyo, at Elemento. Makikita ang uri ng halimaw kapag tiningnan ang libro ng mga baraha, o kaya ang disenyo sa kard katulad nang nakabilog sa larawang nasa ibaba.



Kung titingnan ang talahanayan, ang kahinaan ng isang halaman ay ang mga hayop, samantalang malakas naman ito laban sa mga insekto. Bukod pa rito, ang halaman ay nauuri sa Kalikasan. Kung gayun, mahina rin ito laban sa uri ng Tao (Tao, Makina, Sasakyan) ngunit malakas laban sa mga Espiritu (Anghel, Demonyo, Elemento).

Kaya naman kung lalaban sa isang partikular na uri ng halimaw, makatutulong na alamin kung ano ang kahinaan nito, at gamitin ang mga halimaw na malakas laban sa uri ng kalaban. Sa gayon, makakatulong din na magkaroon ng sapat na dami ng iba't ibang uri ng halimaw upang mayroong magagamit sa iba't ibang uri ng kalaban.

Monday, February 14, 2011

Player vs Player o PVP

Isa sa karaniwang isinasama sa mga MMORPG ay ang Player vs Player o PVP, na kung saan kalaban mo ang iba pang mga manlalaro. Mayroon ding ganito sa CardMon Hero, at maraming uri ng laban na maaaring piliin. Nagkakaroon ng anunsyo kapag bukas na ang isa sa apat na uri ng PVP na nasa ibaba.



Una ang snowball fight. Sa larong ito, maaari kang makakuha ng tatlong klase ng atake: malaking snowball (may malaking snowball na mahuhulog na magdudulot ng malakas na bawas), maliit na snowball (maliit na snowball na mahuhulog na magdudulot ng katamtamang bawas), at hagis-yelo (isang atakeng mahina lang ang bawas pero siguradong tatama). Ang unang kupunan na makatalo ng sampung tao ang mananalo. Pagalingan ito umiwas at umasinta ng kalaban.



Ang ikalawa ay ang survival o matira ang matibay. Dito, maglalaban ang dalawang pares ng manlalaro upang talunin ang isang malaking kalaban. May mapupulot na mga makina at robot na maaaring tawagin upang talunin ang mga kalaban. Ang unang pares na makagagapi sa kalaban ang magwawagi.

Ang ikatlo ay ang 8vs8 na labanan. Ito ang klase ng labanan na kung saan magtatagisan ang dalawang kupunan na may tig-walong miyembro ng galing sa paggamit ng kani-kanilang mga kakayahan at halimaw na kakampi. Ito ang PVP na direktang maglalabanan ang mga manlalaro upang manalo.



Ang huli ay ang cow room. Sa mapang ito ay may mga kalabaw na nagkalat. Ang kailangan lamang gawin ay talunin ang mga kalabaw at kunin ang mahuhulog na gatas. Ang kupunan na maunang makakuha ng 200 gatas ang magwawagi.




Tunay na nakatutuwa ang pagsali sa mga PVP dahil bukod sa iba-iba, nasusubukan din ang iyong galing sa paglalaro kasama at kalaban ang iba pang mga manlalaro. Nagbibigay rin ng magagandang gantimpala, manalo man o hindi, katulad ng medalya at iba't ibang kards.

Sa pagkakaalam ko, may iba pang uri ng PVP na maaaring malaro kapag naglabas ng bagong update ang CardMon Hero. Hintayin na lamang natin ito. Pero sa ngayon, magpakasaya muna at maging bihasa sa PVP ng CardMon!

Monday, February 7, 2011

Recipe Cards

Kamusta ang paglalaro ng CardMon? Malalakas na ba ang mga nakukuha niyong kakampi? Hayaan niyong ipaliwanag ko ang paraan upang makagawa ng malalakas na kakampi sa pamamagitan ng isang recipe.

Bukod sa paggamit ng mga karaniwang kard na napupulot sa mga nagagaping halimaw, mayroon ding tinatawag na recipe cards na maaaring makatawag ng malalakas na kakampi kapag nabuo.

Saan ba makukuha ang recipe? Maraming pwedeng pagkunan ng recipe. Unang una na riyan ang paggapi sa iba't ibang mga kalabang lider. Ang ilan ay malalabanan sa isang partikular na lugar, samantalang ang iba naman ay kailangang kalabanin sa loob ng isang billboard o paskilan. Maaari ring makuha ang ibang recipe sa mga binubuksang treasure chest na iyong pinipili kapag natapos na ang misyon sa paskilan. Panghuli, maaari ring bilhin ang recipe sa ibang manlalaro na nagbebenta nito.

Paano ba ginagamit ang recipe?


Kapag tiningnan ang recipe na iyong nakuha, kakailanganin mo ring kumpletuhin ang mga sangkap para buuin ito. Ang ilan sa mga karaniwang sangkap ay mabibili sa isang "Card Material NPC" na makikita sa ibabang bahagi ng Supelta. Ang ilan sa mga sangkap ay makukuha sa pamamagitan ng paggapi sa nasabing halimaw. Maaaring isang kard na kauri ng halimaw na gustong likhain, o iba pang mga sangkap na karaniwang binebenta lamang sa NPC upang magkapera. Kapag nakumpleto na ang mga kailangan, pumunta sa "Card Upgrades NPC" na makikita sa ilang mga bayan katulad ng Supelta at Metadiforce. Makikita sa taas ang isang halimbawa ng recipe at ang mga kailangang sangkap upang buuin ito.

Tuesday, February 1, 2011

Joker

Kamusta! Mataas na ba ang lebel ng inyong mga karakter? Narito muli ako para maghatid ng isang artikulo, ukol naman sa Joker.

Kung mapapansin sa kaliwang bahagi ng inyong screen, may makikita kayong bar na napupuno, at tatlong bilog na pindutan.


Ito ang tinatawag na Joker. Nadadagdagan ng isang punto (hanggang 200) sa tuwing makagagapi ka ng kalaban. Ngunit tandaan na hindi ito madadagdagan kung ang halimaw na nagapi ay higit na mahina kaysa iyo.

Kung mapapansin din, may tatlong bilog sa itaas ng bar. Ito ang antas ng joker na maaari mong tawagin. Maaaring pindutin ang unang bilog kapag naka 60 puntos na. Habang ang pangatlong bilog ay maaaring pindutin kapag naka 200 puntos na. Mas malakas na uri ng Joker ang iyong matatawag kapag mas maraming puntos ang iyong naipon.

Ito ang isang halimbawa ng joker.


Bagaman napipili mo ang antas ng joker base sa dami ng puntos na iyong inipon, ang aktwal na joker na lalabas ay hindi mo mapipili. Bukod sa halimbawang nasa itaas, maaari kang makatawag ng isang malaking oso, malaking sundalo, malaking street fighter (kamukha ni Ryu), malaking kalabaw, at iba pa.

Dahil mahirap itong ipunin, gamitin lamang ang joker kung kinakailangan. Kapag nahaharap sa isang malakas na kalaban, gamitin ang joker upang tulungan ka. Maaari ring pindutin ang letrang "J" kung nais tawagin ang joker, kung abalang abala sa labanan.